5.12.2006

nawawala

Naisip ko mabilis tayo minsan magtapon ng bagay na akala natin sira na, kasama na rin nawawala ung mga maayos pa.

Bakit minsan sirang sira, laspag na, wala ng silbi di pa rin matapon? Kaya napupuno ng kalat ang desk ko kasi maraming bagay dun, pinaglumaan na, ung iba gumagapang na papuntang basurahan.

Di ko maitapon.

Minsan mas magandang di nalang pag isipan, tapon na lang agad. Habang hawak mo kasi para bang unti unti may maaalala ka. Hanggang sa sasabihin mo, sa susunod na lang…di ko pa kaya itapon.

Naglinis ako ng desk nung isang isang linggo ang daming kalat. Habang nagkakalkal ako, may naalala kong lalagyan. Babasagin, ung parang lalagyan ng potpourri. Maliit lang un, kasya sa palad ko. Dun ko pinagkasya ang kwento ng dati. Pano kasi ang hirap tuwing nababasa ko, ang dami kong naaalala. Taon din bago ako nakapagdecide na bitawan na un. Inisip kong sunugin, i cremate ang memories kumbaga. Kaya lang pangit isipin, ung memories mo, itim na dumi na lang. kaya pinunit ko na lang. pero ang OCness ko ayan na naman, ginamitan ko ng gunting.

Parang ako ung nagugupit. Ako ung napupunit.

Ako ung ilalagay sa boteng maliit.

Pirapiraso na, ang hirap.

Hindi ko na maalala kung kelan ko ginawa un, basta matagal na. habang ginugupit ko, binabasa ko paputol putol. Kasi pagkatapos nun, wala na. kahit iyakan ko di na mabubuo ulit.

Kung tutuusin, matagal ng sira un. Hindi lang ung papel.

Pagkatapos pinagkasya ko sa bote. Sakto lang. nilagyan ko ng sandamakmak na glue ung ibabaw para madikit ung cork na takip. Baka kasi isang araw topakin ako at maisipan kong buoin ulit. Ang ganda tingnan parang display.

Un na ung iniyakan ko dati, nagkasya sa bote na ngaun hindi ko na alam kung nasan. Di ko maalala kung itinapon ko na o itinago ko sa kung saan.

Ngaun naaalala ko ung mga bagay bagay… ang sakit isipin un lang un. Nakasya sa boteng nawawala.

No comments: